KARLA ESTRADA APOLOGIZES FOR VIRAL AFP RESERVIST POST USING NPA ANTHEM

Humingi ng paumanhin si Karla Estrada para sa Instagram post niyang lumikha ng ingay sa social media sa mga kadahilanang ikinagulat niya mismo.   

Noong Martes, June 6, 2023, nag-post si Karla ng Instagram reels patungkol sa nalalapit niyang pagpasok sa Philippine Army bilang reservist.

Dito ay makikita ang collage ng mga litrato niyang nakasuot ng army uniform.

Si Karla ay nakatindig nang diretso at nakasimpleng pananamit—ng itim na T-shirt at itim na jogging pants—habang katabi ang ilang nakaunipormeng sundalo.

Nga lang, ang nakalapat sa video bilang background music ay ang awiting "Ang Bagong Hukbong Bayan."

Ito ang lyrics ng kantang maririnig sa 19-second Instagram Reel ni Karla:

Ang Bagong Hukbong Bayan, sandata ng sambayanan

Ang hukbo ng himagsikan, tagapagtanggol ng kalayaan

Sa patnubay ng partido, pakikibaka'y isusulong...

Napukaw nito ang pansin ng netizens dahil ang nasabing kanta ay anthem ng New People's Army (NPA).

Ang NPA ay isang grupong sandatahan na pinamumunuan ng Communist Party of the Philippines (CPP) at itinuturing na mahigpit na kalaban ng gobyerno.

Ito ang longest-running armed insurgency movement sa Asya, na lumaki at lumawak ang recruitment noong panahon ni Ferdinand Edralin Marcos. Hangarin ngayon ng gobyerno ng anak nitong si Bongbong Marcos ang tuluyan nang durugin ito.

Puna tuloy ng isang netizen kay Karla: "NPA ka? Research muna tungkol sa kanta na ginagamit."

Agad binura ni Karla ang kanyang post, ngunit may ilang netizens na ang nakapag-screenshot nito at nagbahagi sa social media,.

KARLA ISSUES PUBLIC APOLOGY

Matapos siyang batikusin ng netizens, naglabas ng pahayag si Karla sa kanyang Facebook page ngayong Huwebes ng hapon, June 8, 2023.

Sinabi ng TV host-actress na hindi niya intensiyong maapektuhan ang Philippine Army gamit ang kantang nailapat niya sa kanyang viral Instagram post.

Inamin din ng Channel 5 Face To Face host na hindi siya "aware" na ang kantang ginamit niya ay kanta pala ng "grupo na may paniniwalang salungat sa pamahalaan."

Mababasa sa post ni Karla (published as is): "Magandang Araw po sa inyong lahat. Ang mensahe ko pong ito ay patungkol sa musikang nakalapat sa isa sa aking video reel na ipinost ko sa aking social media accounts tungkol sa aking intensyon na maging isang Philippine Army Reservist.

"Ako po ay hindi aware na ang nasabing musika na nailapat sa aking video reel ay isa palang awitin na tumutukoy sa isang grupo na may paniniwalang salungat sa pamahalaan."

Taus-puso rin siyang humingi ng paumanhin sa Philippine Army at sa lahat ng mga taong naapektuhan sa kanyang pagkakamali.

"Ako po ay taos pusong humihingi ng paumanhin sa Philippine Army at sa lahat ng taong nasaktan o naapektuhan ng nasabing video reel.

"Hindi ko po sinadya o intensyon na ilapat sa aking video ang nasabing musika at wala din po sa aking kamalayan kung ano ang kinakatawan o mensaheng nilalaman nito."

Simula't sapul ay malinis daw ang intensiyon ni Karla na makapaglingkod sa bayan at sa kapwa niya Pilipino.

Aniya, "Nais ko pong ipabatid sa lahat na ang tanging layunin ng aking pagpapalista sa hanay ng Philippine Army bilang Reservist ay upang makapaglingkod sa bawat Pilipino at sa bansang Pilipinas sa abot ng aking kakayanan.

"Muli, humihingi po ako ng paumanhin. Salamat po."

2023-06-08T12:05:55Z dg43tfdfdgfd