JON JALOSJOS CLAIMS TONY TUVIERA DID NOT AGREE TO TVJ TRADEMARK APPLICATION

Walang basbas ng dating president at CEO ng TAPE na si Tony Tuviera ang pagsama sa pangalan niya sa application nina Tito SottoVic Sotto, at Joey de Leon — o TVJ — para sa Eat Bulaga! trademark. 

Ito ang claim ni Jon Jalosjos, ang bagong president at CEO ng TAPE, sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong June 3, 2023.

"February 27, 2023" ang petsa ng application ng TVJ sa Intellectual Property Office of the Philippines. 

Noong May 31 at June 1, lumabas sa PEP.ph ang pagbubunyag ni Tito na sa Eat Bulaga! trademark application ay naging isang grupo ang TVJ at si Tuviera.

READ: TVJ & Tony Tuviera applied as one group for Eat Bulaga! trademark

READ: Tito Sotto claims TVJ owns Eat Bulaga! trademark

Si Tuviera ay may stake na 25 percent share sa TAPE, habang ang ama ni Jon na si Romeo Jalojos Sr. ay may 75 percent.

Ayon kay Jon, diretso niyang kinausap si Tuviera tungkol dito.

Kuwento niya sa PEP.ph: "In fairness kay Tito Tony, when I asked about it, sinabi niya, ‘I knew about it, we talked about it, but I did not agree to put my name.’

"I asked him, ‘Did you sign anything?’ [Sagot daw ni Tony] ‘Wala naman, Jon.’

"But you know, it's my word. You have to confirm with him." 

Diin ni Jon, "Pero ang word niya sa akin, he knows that they applied, but he did not approve of it. Hindi siya pumayag na isama siya, sabi niya." 

Kung susuriin ang kopya ng trademark application—na siya ring resibo ng IPO—na ipinakita ni Tito sa PEP.ph, walang affixed signature rito si Tony, ngunit wala rin namang affixed signature ang iba pa,

Sa three-page document mula sa Intellectual Property Office (IPO), makikita ang mga pangalang Jose Maria de Leon, Marvic Sotto, Antonio Tuviera, at Vicente Sotto III (in chronological order)—mga tunay na pangalan nina Joey, Vic, Tony, at Tito, respectively.

Sa baba nito, ang nakasulat ay pangalan ng "agent" na nag-represent sa kanila sa pag-file ng IPO application. 

Sinabi ni Tito sa PEP.ph na kumonsulta sila sa DivinaLaw para sa trademark issue. 

Tinanong ng PEP.ph si Jon kung hindi kaya naroon ang pangalan ni Tony dahil may abugadong nag-represent sa kanya? 

Sagot ni Jon: "Yung lawyer kasi kahit sino yan, e. Kung wala siyang signature... Because sabi niya sa akin, ‘I’m part of the company.’ Of TAPE."

Sapat na raw kay Jon ang paliwanag ni Tony na wala itong pinirmahan sa trademark application ng TVJ. 

Para kay Jon, maayos ang lahat sa pagitan niya at ni Tony—mapa-business man o personal. 

Kuwento pa ni Jon, tandang-tanda niyang nagkausap sila noon ni Tony sa isang coffee shop sa White Plains, Quezon City. 

"Ako, mas gusto ko makipag-usap sa kanya sa labas para walang pressure, e.

"Naawa lang din ako kasi siyempre nasa gitna siya," saad ng TAPE president. 

Naiintindihan daw ni Jon na mahirap ang posisyon ni Tony bilang, sa isang banda, shareholder ng TAPE na nagpapatakbo ng Eat Bulaga! at, sa kabilang banda, kapamilya na ng TVJ.

Hindi kailang lubos na minamahal si Tony ng TVJ at ibang Dabarkads, kaya hindi maiwasang maipit ito ngayon sa dalawang nag-uumpugang bato.

Sabi pa ni Jon, hangga't maaari ay ayaw niyang makaramdam ng "pressure" si Tony kaya hindi niya ito inabala nitong kasagsagan ng pag-aalsa-balutan ng TVJ sa TAPE. 

Noong mismong May 31, ang araw ng pagpapaalam ng TVJ sa Eat Bulaga! audience, si Tony ay nasa Japan para sa birthday ng misis na si Madz. 

TVJ NOT SHAREHOLDERS, ACCORDING TO JON-JON AND BULLET

Si Dapitan Mayor Bullet Jalosjos, nakababatang kapatid ni Jon at chief finance officer ng TAPE, ay kasama rin sa panayam ng PEP.ph noong June 3.

May paglilinaw siya sa pahayag ni Tito Sotto na pinangakuan ng shares o stocks sa TAPE ang TVJ noon. 

Sa panayam ng PEP.ph noong April 26, ibinahagi ni Tito na isang taong hindi sumuweldo ang TVJ nang malugi ang Production Specialists, Inc. noong nagsisimula pa lang ang Eat Bulaga!.

Ang Production Specialists — na pag-aari ni Romy Jalosjos, Tony Tuviera, at ilan pang investors — ang producer ng Eat Bulaga! nang magsimula ang show noong 1979.

Nagsara ang Production Specialists noong 1980, at saka itinayo nina Romy at Tony ang TAPE noong 1981. 

Ayon kay Tito, pumayag ang TVJ na ituloy ang pagtrabaho sa Eat Bulaga! kahit hindi sila nababayaran ng isang taon ng Production Specialists dahil pinangakuan sila ng stocks sa kumpanya. 

Pero hindi raw tinupad ng TAPE ang pangakong ito.

Pinabulaanan naman ito ng magkapatid na Jalosjos. 

Katuwiran ni Bullet: "Ako, ito naman, any right mind or anyone who would be working would understand na kung nasabihan siya, he was promised how many years ago. 

"Umabot ng 44 years, ngayon mo pala nalaman, o ngayon mo palang naisip, kung you have some sort of share sa kumpanya?"

Singit ni Jon, "Ngayon mo lang tinatanong?" 

Bilang board members ng TAPE, dapat ay may narinig na raw sina Jon at Bullet. 

Sabi pa ni Bullet, "And besides, there are so many times where we had some negotiations. 

"Maybe some network wanted to negotiate with us. It's very important to know who owns it." 

Pagsang-ayon ni Jon: "Like, every time na magta-transfer kami ng ibang station, during that time, di mo tinanong, 'O, magta-transfer tayo, yung pangako mo sa akin, baka puwede na namin kunin.'" 

Hindi kaya nangyari ang usapang iyon sa pagitan nina Tony at TVJ? 

Pahayag ni Jon, "Basta shares, hindi na puwede si Tito Tony [lang]. Kailangan yung Board na. Basta shares [ang usapan]. 

"Kasi siyempre, 25 percent [lang] naman si Tito Tony. Unless, ibigay niya yung part ng 25 percent niya. Wala kaming kinalaman doon."

JALOSJOS BROthers ON TVJ'S MOTIVATION

Kinuwestiyon din ni Bullet ang paninindigan ni Tito na ang TVJ ang "inventor" ng Eat Bulaga! at tunay na nagmamay-ari ng pangalan ng show. 

Ayon kay Bullet, kahit sabihing ang talents ang may gawa ng isang creative idea, ito ay "company-owned" dahil ang talents ay pinasusuweldo bilang empleyado ng TAPE. 

Ipinakita nina Bullet at Jon ang registration ng trademark para sa Eat Bulaga! bilang patunay na pag-aari ito ng TAPE. 

Katuwiran ni Bullet: "And also, yung intent, e. Kelan sila [TVJ] nag-apply? Three, four months ago?

"Ba't niyo po gagawin yun? Iba yung sinasabi on air, iba yung nakikita on paper.

"Kung totoo man yun, dapat lumabas sa papel nung 1981 or 1979."

May kuwestiyon din ni Bullet sa timing ng application ng TVJ para sa Eat Bulaga! trademark noong February 27, 2023. 

Nang mag-apply ang TVJ ng Eat Bulaga! trademark ay hindi pa nangyayari ang General Assembly ng Dabarkads para sa transition ng bagong management ng TAPE. Ngunit Enero pa lang ay usap-usapan na ang pagiging aktibo ng Jalosjos siblings sa pagpapalakad ng Eat Bulaga!

Kinabukasan, February 28, ay saka pa lang nagpulong ang lahat ng hosts at staff ng Eat Bulaga!.

Doon inanunsiyo ni Romy na ang mga anak niyang sina Jon, Bullet, at Soraya ay magiging aktibo sa daily operations ng show.

Ibig sabihin, ayon kay Bullet, may "resistance" na agad ang TVJ bago pa man opisyal na naging aktibo sila ni Jon at ni Soraya bilang bagong tagapamahala ng TAPE. 

Ipinupunto ni Bullet: "Ang problema dito, we're only talking about a span of three months from where we came in.

"So, halatang there was some sort of intent na talagang either you wanted to take it away from us or you wanted to apply para hindi na namin makuha.

"I wouldn't know." 

MORE STORIES ABOUT #EATBULAGAWAR

2023-06-08T16:05:59Z dg43tfdfdgfd